Pre-need industry pinabayaan
Abante Tonite
Jan. 24, 2009
by Boyet Jadulco
Ibinunton ni Sen. Mar Roxas kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang sisi sa problemang kinakaharap ngayon ng mga pre-need industry dahil sa kawalan nito ng aksyon sa financial abuses ng mga kumpanyang ito sa mga nakalipas na taon.
Binigyang diin ni Roxas na hindi lang ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang dapat kastiguhin sa problemang kinakaharap ng mga pre-need company kundi pati na rin ang Pangulo na naturingan pa mandin na isang ekonomista.
“Where is Gloria — the economist that she is — in this catastrophe? Where is her leadership? This just shows that Gloria’s not really minding the store,” patutsada ng senador.
Noong Agosto ng nakaraang taon ay nagpasaklolo na sa SEC ang pederasyon ng pre-need company sa bansa dahil sa napipintong pagkalugi ng kanilang negosyo na magiging daan para hindi nila matupad ang obligasyon sa mga plan holders.
Ayon kay Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce, maghahain siya ng resolusyon upang muling pabuksan ang imbestigasyon sa pre-need mess.
Matatandaan na inimbestigahan na rin ng komite ang pagbagsak ng College Assurance Plan (CAP), isang kumpanyang dating kasosyo ang pamilya Arroyo subalit hindi man lamang gumawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaan upang palakasin ang regulasyon ng industriya.
“Noon pa man ay sinabi na natin na kailangang paghandaan ng pamahalaan ang anumang krisis pinansiyal na maaaring harapin ng pre-need industry. Nakita naman nating lahat kung ano ang nangyari sa CAP,” katuwiran ni Roxas.
No comments yet.
Leave a Reply